Dalawang alkalde sa Basilan ang pinagbabaril sa Zamboanga City ngayong Lunes ng umaga. Mariing kinondena naman ni House Deputy Speaker at Basilan Representative Mujiv Hataman ang krimen.

Kinilala ni Zamboanga City Police spokesperson Police Lieutenant Mary Agnes Miro ang mga biktima na sina Darussalam Saguindilan Lajid ng bayan ng Al-Barka at Alih Awal Sali ng bayan ng Akbar.

Nasawi si Saguindilan, habang kritikal si Lajid.

Sa panayam ng Super Radyo dzBB, sinabi ni Miro na nasawi rin sa pamamaril ang driver ni Sali.

“Yung dalawang mayors nasa ospital ngayon. But yung isa, si Mayor Darus, namatay na po. Declared dead on arrival by the attending physician, kasama po yung driver ni Mayor Sali,” ayon kay Miro.

Dakong 8:00 am umano nang dumating sa Baliwasan Seaside sa Zamboanga City sakay ng motorized boat ang mga biktima ng pagbabarilin sila ng nasa apat na salarin.

Tumakas ang mga salarin sakay ng motorized boat, ayon sa pulisya. 

Sa isang pahayag, nanawagan si Hataman sa pulisya ng malalimang imbestigasyon at hulihin ang mga nanambang sa mga biktima.

"Matalik ko silang kaibigan at kasama sa Basilan Peace Rider at Basilan Practical Shooting Association," ayon sa kongresista.

"We hope that a through and independent investigation be conducted into this incident, and that justice be served," hiling ni Hataman.--FRJ, GMA News