Patay ang limang katao habang sugatan ang 10 iba pa matapos araruhin ng isang dump truck na nakikipagkarerahan umano ang 10 sasakyan sa Talisay City, Cebu.

Sa ulat ni Vonne Aquino sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, makikita sa kuha ng City of Talisay Traffic Operations and Development Authority ang pagdaan ng isang puting dump truck sa national highway sa nasabing lugar nitong Biyernes.

Sinundan ito ng pulang kotse at bus.

Ilang saglit pa, dumaan ang isang berdeng multicab na binangga ng pulang dump truck.

Napunta sa kabilang lane ang multicab sa lakas ng impact, habang inararo ng nagdire-diretsong pulang dump truck ang mga naunang sasakyan.

Naging pahirapan ang pagsagip sa mga biktima kung saan may naipit sa ilalim ng mga sasakyan.

Kabilang sa mga nasawi ang driver ng pulang dump truck.

"Nagbusina siya. Eh late na masyado kasi sobrang bilis ng kaniyang takbo, mga 100 plus ang kaniyang speed," sabi ni Hazel Busa, driver ng kotse.

Iniimbestigahan ng mga awtoridad ang karerahan umano ng dalawang dump truck.

Hindi nagbigay ng pahayag ang iba pang biktima habang patuloy na hinahanap ang pahinanteng kasama ng namatay na driver. — Jamil Santos/VBL, GMA News