Nawalan ng P70,000 ang isang babae matapos palitan ng mga babaeng kawatan ang kaniyang card nang magkaproblema sa ATM sa Dumaguete City, Negros Oriental.

Sa Balitanghali nitong Miyerkules, mapapanood sa CCTV na nagwi-withdraw ang isang babaeng biktima sa ATM saka pumila ang tatlo pang babae sa kaniyang likuran.

Nang magka-aberya sa ATM, nilapitan ang biktima ng nasa likurang babae na nakapulang cap at kinuha ang kaniyang ATM card.

Sinabi ng suspek na susubukan niya ito sa kabilang machine, pero doon na niya pala pinalitan ang card ng biktima.

Saka lang nalaman ng biktima na hindi na niya pagmamay-ari ang ATM card na kaniyang hawak nang subukan niyang muling mag-withdraw, at nakita niyang iba na rin ang pangalan ng nasa card.

Natangay sa biktima ang idineposito niyang P70,000 sa bangko.

Sinabi ng pulisya na posibleng nakuha ng suspek ang pin number nang lumapit siya sa biktima.

Pinaghahanap na ang tatlong babaeng suspek na nahuli sa CCTV. — Jamil Santos/VBL, GMA News