Sunod-sunod na insidente ng basag-kotse modus ang naitala sa Tagaytay habang papapalapit na ang araw ng Pasko.

Iniulat ni Jun Veneracion sa "Unang Balita" nitong Miyerkules na nitong mga nakaraang araw sunod-sunod ang mga nabiktima ng basag-kotse modus.

Ayon sa isang biktima, nagulat na lamang sila nang balikan pagkatapos maghapunan ang mga nakaparada nilang sasakyan.

Nakuha ng mga kawatan ang isang bag na nakalagay sa passenger seat sa likod ng isang kotse.

Agad na ini-report sa istasyon ng pulis ang nanyari.

Napag-alaman ng mga biktima sa police station na may nauna nang nag-report ng insidente ng basag-kotse din. At bago sila makaalis sa presinto, may sumunod pa na nabasagan din umano ng kotse.

Batay sa record ng Tagaytay Police Station, tatlo na ang nag-report sa kanila ng magkasunod na insidente ng basag kotse modus.

Dagdag pa ng Tagaytay Police, may naitala din silang mga insidente ng basag-kotse noong nakaraang taon, at may mga tinitingnan na silang "persons of interest." —LBG, GMA News