Dinakip sa Cavite City ang lalaking most wanted sa Calabarzon dahil sa panggagahasa umano sa 11-anyos na anak ng kaniyang kaibigan.

Sa ulat ni Bam Alegre sa GMA News "Unang Balita" nitong Martes, mapapanood ang pag-aresto kay Chris John Diaz, na may apat na asunto ng panggagahasa sa menor de edad na babaeng biktima.

"Kaibigan niya 'yung father nito eh, pareho silang construction worker, du'n siya nakikitulog ayon sa ating information na nakuha," sabi ni Cavite City police chief Police Lieutenant Colonel Gilbert Cruz.

"Ang bata ay anak ito ng kaibigan niya. Nakukuha niya ito kapag walang tao sa bahay. Inaalok niya ng pagkain siguro. Apat na beses ito bago nalaman," dagdag ni Cruz.

Hindi nanlaban nang komprontahin ng pulisya si Diaz, na tumangging magbigay ng pahayag sa camera.

Gayunman, hindi niya itinanggi ang alegasyon sa kaniya. — Jamil Santos/VBL, GMA News