Patay na nang matagpuan ang isang anim na taong gulang na babae sa isang ilog sa Sto. Tomas, La Union. Ang biktima, hinihinalang pinagsamantahan pa.

Sa ulat ni Jasmin Gabriel Galban sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Martes,  sinabing nakita ng ama ang bangkay ng kaniyang anak sa ilog ng Brangay Ambitacay noong Sabado ng umaga.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, sinabing huling nakitang buhay ang biktima na nakikipaglaro sa mga kaibigan noong Biyernes ng hapon.

Magdamag siyang hinanap hanggang sa makita ang kaniyang bangkay na walang saplot pang-ibaba noong Sabado ng umaga.

Nakita naman ang pang-ibabang saplot ng bata hindi kalayuan sa kaniyang bangkay.

Nakitaan din ng mga pasa sa ulo at katawan ang biktima.

Ayon kay Police Staff Sergeant Aplonio Rafanan, Chief Investigator ng Sto. Tomas Police, may nakita ring pasa sa tagiliran ang biktima na posibleng sinuntok para mawalan siya ng malay.

Isinailalim sa awtopsiya ang katawan ng biktima upang alamin ang sanhi ng kaniyang pagkamatay at kung ginahasa pa.

Mayroon na rin umanong person of interest ang pulisya.--FRJ, GMA News