Isang piskal sa Trece Martires, Cavite ang binaril at napatay sa harap ng kaniyang bahay nitong Biyernes ng umaga.

Ayon sa Police Regional Office 4A, nakatayo sa harapan ng kanilang bahay sa Barangay Cabuco nang barilin ang biktimang si Edilbert Mendoza, 48-anyos.

Nagtamo ng tama ng bala sa ulo ang biktima, habang mabilis na tumakas naman ang salarin.

Ayon sa pulisya, assistant city prosecutor si Mendoza, at nakatalaga sa Regional Trial Court Branch ng Trece Martires, Cavite.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya sa posibleng motibo sa krimen at pagkakakilanlan ng salarin.— FRJ, GMA News