Paalala sa mga sumasakay sa motorsiklo na mag-ingat na huwag sumabit o maipit ang gamit nila sa kadena ng sasakyan tulad nang nangyari sa isang 16-anyos na babae sa Tagkawayan, Quezon.

Sa ulat ng GMA Regional TV "Balitang Bicolandia," sinabing naputulan ng kamay ang dalagita nang maipit ang kaniyang bag sa kadena ng sinasakyang motorsiklo.

Ayon sa pulisya, kasama ng biktima ang kaniyang kapatid sa motorsiklo at binabagtas ang Quirino Highway na sakop ng Barangay San Vicente, nang mahulog ang bag ng dalagita at naipit sa kadena ng sasakyan, at pati na ang kaniyang kamay.

Kaagad na dinala sa ospital ang biktima at aalamin pa umano ng mga duktor kung maaari pang maikabit ang kamay nito. --FRJ, GMA News