Nasawi ang isang lolo matapos bumangga ang sinasakyan niyang multicab sa isang trailer truck dahil sa drag racing sa national highway sa Jasaan, Misamis Oriental.

Sa ulat ni Cyril Chaves ng GMA Regional TV One Mindanao sa Unang Balita nitong Martes, kinilala ang biktima na si Simeon Calunsag Sr., na dead on arrival sa banggaan ng mga sasakyan sa Purok 6, Barangay Hampason ng nasabing munisipalidad.

Napag-alaman ng pulisya na nag-overtake ang isang motorsiklo na minamaneho ng isang menor de edad na nakikipag-drag racing umano sa trailer truck.

Nagtamo ng mga sugat ang driver ng multicab na si Richard Almonteson at ang menor de edad.

Sinabi ng kapulisan na may tatlong motorsiklo pa ang sangkot umano sa drag racing.

Ayon kay Police Major Marstar Lorenzo, hepe ng Jasaan MPS, nasa kustodiya na ng MSWD Jasaan ang menor de edad, na posibleng maharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide and multiple injuries and damage to property. — Jamil Santos/VBL, GMA News