Patay ang isang miyembro ng LGBTQ community matapos siyang pagsasaksakin ng dalawang menor de edad sa Zamboanga City. Ang bagong biling motorsiklo ng biktima, tinangay ng mga salarin.

Sa ulat ni James Paolo Yap sa GMA Regional TV News nitong Martes, sinabing nakita ang duguang katawan ng biktimang si Arnel Fabian sa loob ng kaniyang kuwarto sa Zampen urban poor community noong madaling araw ng Enero 30.

Nagtamo ng 10 saksak ang biktima na sanhi ng kaniyang pagkamatay.

Tumakas naman ang mga salarin at tinangay ang motorsiklo ng biktima na bagong bili.

Sa tulong ng social media, nakilala at natunton ang kinaroroonn ng mga suspek na parehong 17-anyos.

Sa follow-up operation na isinagawa ng mga tauhan ng Divisoria Police Station, naaresto ang mga suspek.

Nakita naman ang motorsiklo ng biktima sa isang bodega sa Barangay Mercedez.

Inilarawan ng mga kaanak na mabait, matulungin at masayahing tao si Fabian.

Kahit menor de edad, sasampahan ng pulisya na reklamong robbery with homicide ang dalawang suspek. --FRJ, GMA News