Arestado ang isang katao matapos niyang suntukin ang tiyan ng kapitbahay na buntis nang mapikon dahil sa biro sa Barangay Calauag, Naga City. Ang kaniya namang kapatid, huli rin sa paninipa ng isang taong gulang na anak ng biktima.

Sa ulat ni Veblen Reynes ng GMA Regional TV Balitang Bicolandia, sinabing nagtamo ng sugat ang buntis at ang anak nito dahil sa pananakit ng kapitbahay.

Bago nito, nagbiro umano ang ama ng buntis, na siyang ikinapikon ng suspek.

Sumugod ang suspek kasama ang kaniyang kapatid sa bahay ng mga biktima saka sinuntok sa tiyan ang buntis.

Tinadyakan naman ng kapatid ang anak ng buntis.

"'Yung pagsuntok po sa'kin, hindi po ako makagalaw, kasi masakit po. Sinuntok po ako sa tiyan," sabi ni Jemma, biktima.

Handa ang biktima na sampahan ng kaso ang mga suspek, na nasa kustodiya na ngayon ng pulisya.

"Noong una ayaw nilang umamin na ginawa nila 'yung krimen, 'yung panununtok doon sa tiyan ng buntis. Pero nang malaman noong pina-medical na natin itong babae, nagkaroon nga siya ng abrasions saka tama talaga roon sa may tiyan, saka siya humihingi ng tawad," sabi ni Police Major Miguel Nool III, station commander ng Naga City Police Office Station 3. — Jamil Santos/VBL, GMA News