Humihingi ng hustisya ang pamilya ng isang lalaki na pinugutan ng kanilang kapitbahay sa Tarlac City.

Sa ulat ni CJ Torida sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Miyerkules, kinilala ang biktima na si Vivencio Palipano, 45-anyos, ng Barangay Tibag.

Ayon kay Police Lieutenant Colonel Jerrold Jake Manguerra, hepe ng Tarlac City Police, nakaalitan ng biktima ang suspek na nauna nang isinumbong na nagwawala sa kanilang lugar.

Nang magtungo umano ang pulis at barangay tanod sa lugar, kumalma naman ang suspek at nanahimik sa bahay.

Pero nang umalis ang mga awtoridad, muling nagwala ang suspek at doon na siya kinompronta ng kapitbahay na biktima na humantong sa malagim na krimen.

Ayon pa kay Manguerra, inabutan ng mga pulis sa kalye ang suspek na hawak ang itak at ang ulo ng biktima.

Naaresto ang suspek nang paputukan ito ng pulis at tamaan sa paa.

Sinasabing may kapansanan sa pag-iisip ang suspek na sinampahan ng kasong murder.

--FRJ, GMA News