Ikinarangal ng isang pamilya ang dalawa nilang aso matapos mapigilan ng mga ito ang tangkang pagnanakaw sa kanilang bahay sa Masbate.

Sa video ni Trisha Marie Buri, na mapapanood sa Unang Balita nitong Huwebes, makikita ang hero dogs na sina Smile at Roscoe.

Ayon kay Buri, narinig niyang tumahol ang kaniyang mga aso madaling araw noong Enero 27.

Napansin din nilang pabalik-balik si Roscoe sa kusina kaya nakita ng ama ni Trisha na bahagyang nakabukas ang pinto ng kanilang cabinet.

Doon nadiskubre ng pamilya na may isang lalaki pala ang nagtatago sa loob ng cabinet.

Dahil dito, humingi ng tulong ang pamilya sa barangay at mga kapitbahay para madakip ang lalaki.

Pinusuan ng netizens sina Smile at Roscoe sa kanilang pagiging alerto. — Jamil Santos/VBL, GMA News