Napatay sa shootout ng mga awtoridad sa Wao, Lanao del Sur ang umano'y mastermind sa pagpatay naman sa limang ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) noong 2018.

Sa ulat ni John Consulta sa GMA News “24 Oras” nitong Biyernes, sinabing sisilbihan sana ng arrest warrant ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI)- Iligan at Philippine National Police Special Action Force (PNP-SAF), ang suspek na si William Gandawali.

Pero pinaputukan umano ni Gandawali ang mga awtoridad, dahilan para gumanti ng putok ang mga operatiba at napatay ang suspek.

“Makikita sa video na naputukan ang mga agent natin kasama yung ibang counterparts natin and ang resulta, napatay itong si kapitan..si William," ayon kay NBI Director Eric Distor .

"May mga wanted pa diyan, may mga kasamahan ito sa pag-ambush hindi tayo titigil hangga't mahuli sila at mapanagot natin sa batas,” dagdag niya.

Ilang armas ang nakuha sa crime scene kabilang ang isang Armalite, isang M203 grenade launcher, at mga bala.

Isang pulis ang nasugatan sa naturang operasyon. --FRJ, GMA News