Kahit nagtago sa ilalim ng truck, hindi pa rin nakaligtas sa tama ng kidlat ang 11 manggagawa sa isang tubuhan sa Bago City, Negros Occidental.

Sa ulat ni Adrian Prietos sa GMA Regional TV News nitong Huwebes, sinabing biglang umulan nang malakas na may kasamang kulog at kidlat noong Martes ng hapon habang nagkakarga ng tubo ang mga biktima sa Barangay Ma-ao sa nasabing lungsod.

SAFETY TIPS: Alamin ang mga dapat gawin para makaiwas sa tama ng kidlat

Nagpasya ang mga manggagawa na sumilong sa ilalim ng truck at doon na sila tinamaan ng kidlat.

Nagtamo ng mga sunog o paso sa iba't ibang bahagi ng katawan ang mga biktima na dinala sa ospital.

Isa sa mga biktima ang malubha umano ang kalagayan. --FRJ, GMA News