Patay ang isang 15-anyos na binatilyo matapos pagbabarilin at gilitan ng hindi pa nakikilalang mga salarin sa Barangay Nagsaing sa Calasiao, Pangasinan.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ng mga pulis, naglalakad umano ang biktima kasama ang kanyang ama at tiyuhin nang bigla siyang palibutan ng anim sa suspek na sakay ng apat na motorsiklo.

Anim na tama ng bala at matinding sugat sa leeg ang tinamo ng biktima na naging sanhi ng kanyang pagkamatay.

Tumangging humarap sa camera ang mga kaanak ng biktima, pero ayon sa kanila blangko sila sa motibo sa pagpatay.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga pulis sa insidente. —LBG, GMA News