Ilang nakikipaglibing ang nasaktan at may mga motorsiklo ang napinsala nang magwala ang isang kabayo sa isang libing sa Vigan City, Ilocos Sur.

Sa ulat ni Tere Sundayon sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Huwebes, inihayag ni Rosie Tabular, na kabilang siya sa mga nakipaglibing na sumakay sa kalesa na hinahatak ng nagwalang kabayo.

Sinasabing napigtas umano ang tali sa kabayo dahil sa dami ng sakay sa kalesa.

Kabilang si Tabular sa mga nakipaglibing na nasaktan sa insidente.

Ilang motorsiklo rin ang napinsala nang masagi ng kabayo.

Sa imbestigasyon ng pulisya, napag-alaman na kasama sa package ng punerarya ang sinakyang kalesa ng mga nakipaglibing.

Sasagutin daw ng pamunuan ng punerarya ang mga napinsalang sasakyan. --FRJ, GMA News