Isang batang lalaki ang nasawi matapos siyang mahagip ng pick-up truck sa Itogon, Benguet. Sa nasabi ring bayan, isang jeep ang nahulog sa bangin.

Sa ulat ni Joan Ponsoy sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Biyernes, sinabing binabagtas ng driver ng pick-up truck ang Baguio-Nueva Vizcaya Road nang mangyari ang insidente.

Ayon kay Police Captain Mernie Abellanida, Information Officer ng PRO-Cordillera, huminto ang driver ng sasakyan nang maramdaman niya na parang may nabangga siya.

Nang silipin niya ang kaniyang dinaanan, doon na niya nakita ang anim na taong gulang na biktima na nakahandusay sa kalsada.

Dinala sa ospital ang bata pero idineklara siyang dead on arrival.

Kusa naman sumuko sa pulisya ang driver ng pick-up truck na mahaharap sa kaukulang reklamo.

Samantala sa Itogon pa rin, nahulog naman sa bangin sa Barangay Tuding na may lalim na 40 hanggang 50 metro ang isang jeep.

Nasugatan at patuloy na nagpapagaling ang driver at apat na pasahero ng jeep

Pauwi na ang mga biktima sa nasabing barangay nang nawalan ng kontrol sa manibela ang driver ng jeep, ayon kay Abellanida.--FRJ, GMA News