Isang motorsiklo na nag-overtake umano sa isa ring motorsiklo ang napunta sa kabilang linya ng kalsada at bumangga sa kasalubong na 10-wheeler truck sa Batangas. Nasawi ang rider, habang posibleng kasuhan naman ang driver ng truck.

Sa ulat ni Lorenzo Ilagan sa GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog" nitong Biyernes, sinabing nangyari ang trahediya sa bahaging zigzag road sa national highway sa Barangay San Francisco sa Mabini, Batangas.

Kinilala ang nasawing rider na si Heraldo Regla, 54-anyos, taga-Binan Laguna, at malubhang nasugatan ang backride niyang si Jaymar Anib, 22-anyos, residente ng Cabuyao sa Laguna.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumilitaw na nag-overtake umano ang biktima sa isa ring motorsiklo bago mangyari ang sakuna.

"Itong driver ng motorcycle ay umovertake sa isang motorsiklo rin. So pababa po sila heading outside or papunta ng Bauan [Batangas]. Umovertake itong motosiklo, kumain po ng kabilang at dun po sila nagkabanggaan nung 10-wheller truck," sabi ni Police Captain Vanessa Sayson, hepe ng Mabini Police Station.

Dinasa sa ospital ang dalawang biktima pero pumanaw ang rider.

Nasa kostudiya naman ng pulis ang driver ng truck na posibleng maharap sa mga reklamong reckless imprudence resulting to homicide, serious physical injuries, at damage to property.--FRJ, GMA News