Paralisado ang kalahati ng katawan ng isang mangingisda na naaktuhan sa ilegal na tupada matapos siyang tumalon sa bangin para matakasan ang pulisya sa Ragay, Camarines Sur.

Sa ulat ng "24 Oras Weekend" nitong Sabado, sinabing bumagsak sa damuhan ang lalaki.

Dinakip ang lalaki at ang kaniyang kapatid, na tumalon din sa bangin at napilayan.

Sa kulungan din ang bagsak ng iba pa nilang kasamahan, ngunit may ilan pang nakatakas.

Nakuha sa lugar ng tupada ang dalawang manok, tari at pera sa tayaan.

Hindi nagbigay ng pahayag ang mga suspek. —Jamil Santos/VBL, GMA News