Patay ang tatlong tao, at sugatan ang limang iba pa nang araruhin ng 10-wheeler truck ang tricycle na kanilang sinasakyan sa Bohol.

Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Miyerkules, sinabing nangyari ang insidente sa bayan ng Clarin.

Dead on the spot ang tatlo sa mga sakay ng tricycle, na halos mayupi na sa lakas ng impact ng pagkakabangga.

Sugatan naman ang limang iba pa, kasama ang driver nito at dinala na sila sa ospital.

Batay sa paunang imbestigasyon, nawalan umano ng preno ang truck na minamaneho ni Saturnino Tirol, Jr.

Nasa kustodiya na ng police ang truck driver. Hindi pa siya nagbigay ng pahayag. —LBG, GMA News