Naglaho ang mga pangarap ng isang 23-anyos na lalaking college student matapos siyang mapatay sa saksak habang naglalaro ng basketball sa Nueva Ecija. Ang biktima, nakursunadahan lang umano ng mga suspek na nanonood sa laro.

Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Miyerkules, kinilala ang biktima na si Joshua Calanday, third year college student.

Sinaksak si Calanday ng tatlong lalaki habang naglalaro ng basketball sa Barangay San Francisco sa San Antonio, Nueva Ecija,

"Habang naglalaro, patalikod siyang sinaksak. Bale ang puwesto niya ay nasa bandang ilalim ng ring. Yung pagkakasaksak talagang solid daw yung pagkakasaksak ng kutsilyo," ayon sa kapatid ng biktima na si Jaycie.

Ayon sa pulisya, hindi kabilang sa mga naglalaro ng basketball ang mga suspek. Nanonood lang umano ang tatlo at nakursunadahan nila ang biktima.

Nakatakas ang mga suspek matapos saksakin si Calanday.

"Ito yung mga nanonood lang sa gilid ng basketball court. So nagkatinginan yung mga kabataan natin ngayon, tingin pa lang parang sabi nga natin, masama ang tingin," sabi ni Police Leiutenant Franklin Sindac, PIO-Nueva Ecija PPO.

Hustisya ang hiling ng mga kaanak ng biktima habang patuloy na hinahanap ng mga awtoridad ang mga suspek.--FRJ, GMA News