Nasawi ang isang sundalo at sugatan ang isa pa matapos silang barilin umano ng kapwa nila sundalo sa kampo ng Philippine Army sa Pili, Camarines Sur. Ang suspek, natagpuan ding patay kalaunan.

Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Martes, kinilala ang nasawi na si Major Gary Masedman, habang nagtamo ng sugat si Sergeant Manuel Colico Jr., na isang non-commissioned officer ng 5th Finance Service Field Office ng Philippine Army.

Lumabas sa imbestigasyon na nabaril ng suspek na kinilalang si Captain Martin Anosa ang dalawang biktima matapos ang isang pagtatalo.

Ngunit kalaunan, namataang wala na ring buhay sa kaniyang kwarto Si Anosa, na isang administrative officer.

Isinasagawa na ng Philippine Army at Philippine National Police ang imbestigasyon hinggil sa motibo sa krimen, at sanhi ng pagkamatay ng suspek. —Jamil Santos/VBL, GMA News