Isang pulis ang binaril at napatay ng mga nakatakas na salarin sa San Juan, Batangas.

Sa ulat ng GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog" nitong Lunes, sinabing nangyari ang pananambang kay Police Executive Master Sergeant Rommel Panopio, 52-anyos, nitong Linggo.

Sakay ng kaniyang van ang biktima at papunta sana sa Provincial Police Office nang tambangan siya sa Barangay Calicanto sa San Juan.

Bumuo na umano ng special task group ang pulisya para imbestigahan ang krimen at hanapin ang mga suspek.

Kinukuhanan pa umano ng pahayag ang pulisya tungkol sa nangyaring pananambang, ayon sa ulat.--FRJ, GMA News