Nananawagan ang isang animal welfare group sa Davao City na palakasin ng lokal na pamahalaan ang pagpapatupad ng mga batas para protektahan ang mga hayop laban sa mga nananakit at nang-aabuso sa mga ito.

Sa ulat ni Jandi Esteban sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Biyernes, sinabing ginawa ng grupong Bantay Hayop Davao ang panawagan matapos ang dalawang magkasunod na insidente ng pananakit sa mga pusa.

Ang pusa na si “Bullsy,” kailangang alisin ang isang mata matapos maimpeksyon dulot ng tinamong pinsala makaraang tiradurin ng hindi pa nakikilalang salarin sa Barangay Matina Aplaya.

Ang isa pang pusa na si "Bluei," kinailangan ding operahan noong Lunes para alisin ang bala na nakabaon sa kaniyang paa matapos na barilin ng airgun na hinihinalang kagagawan ng kapitbahay ng fur parent nito.

Ayon sa Bantay Hayop Davao, kailangan ang suporta ng komunidad at lokal na pamahalaan para matigil ang kalupitan sa mga hayop.

“Yung enforcement, implementation hindi siya bumababa sa LGU. Ang proposal po namin dapat activated ang barangay," ayon kay Bantay Hayop Davao President Rovie Bullina.

"Because when we talk about cats and dogs as pets they are community pets they are household pets so they belong to the community. There’s lack of support from the community ang nangyayari natatakot ang complainant,” patuloy niya.

Desidido ang may-ari sa pusa na kasuhan ang bumaril sa kaniyang alaga dahil sa paglabag sa Animal Cruelty Act.

"Masakit talaga. Hindi ko akalain na gagawin ng tao 'yon. Pet ko yan, itinuturing kong anak, pinapakain ko nang husto tapos... It is really indescribable just worst of human na talagang makagawa ng ganyan," hinanakit ni Grace Trinidad.

Dagdag pa niya, "Just be kind to animals, may buhay din sila. Wala naman silang kalaban-laban, sitahin na lang if you can't help them, just don't hurt them."

Babala naman ng Bantay Hayop Davao sa mga mananakit sa mga hayop, "“For those animal abusers just wait for your time if the law of the land will not get you it’s the law of karma that will. Kung kinarma kayo alalahanin niyo may sinaktan kayo intentionally.” --FRJ, GMA Integrated News