Patay ang dalawang tao, habang isa ang nasa kritikal na kalagayan matapos magkasalpukan ang dalawang motorsiklo sa Ilocos Sur.

Sa ulat ng Unang Balita, batay sa report ng GMA Regional TV One North Central Luzon, sinabing nangyari ang salpukan sa kahabaan ng national highway sa Barangay Baliw sa bayan ng San Juan.

Makikita sa kuha ng CCTV ang tangkang pag-overtake ng isang motorsiklo sa isang truck. Sumakto namang may paparating na isa pang motorsiklo. Nagkasalpukan ang dalawa.

Samantala, sa kuha ng cellphone video makikita ang dalawang rider na nakahandusay sa kalsada.

Patay ang babaeng angkas ng isang motorsiklo matapos tumilapon at mahagip ng umano ng isang truck. Kritikal ang kalagayan ng kanyang kasamang rider na nasa ospital sa ngayon.

Patay din ang rider ng nakasalubong na motorsiklo.

Hindi pa nakapagbigay ng pahayag ang mga kaanak sa mga namatay.

Samantala, nakakulong na umano ang driver ng truck na hindi pa rin nagbigay ng pahayag. —GMA News