Isang lalaki ang sugatan matapos siyang malaglag mula sa sinasakyang bus sa Agdangan, Quezon.

Kinilala ang nasabing pasahero na si Noel Nacion, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Martes, base sa impormasyong nakalap ng GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog.

Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, nakaupo sa huling bahagi ng bus si Nacion.

Itinaas niya ang bintana dahil nakaramdam daw siya ng pananakit ng tiyan, pero na-out-of-balance siya at nahulog mula sa umaandar na bus.

Naisugod sa ospital si Nacion. Nagtamo siya ng mga sugat sa mukha.

Nagka-areglo naman ang pasahero at ang may-ari ng bus. —KG, GMA News