Patay ang isang guro  sa bayan ng Basey sa Samar matapos umano saksakin ng kanyang 19-anyos na estudyante.

Sa ulat ng Unang Balita nitong Miyerkules, kinilala ang biktima na si  George Lauron, 32-anyos, at isang science teacher sa Basey National High School.

Sa inisyal na ulat ng mga pulis sinabing nag-iinuman sina Lauron, isa pang lalaki, at ang 19-anyos na Senior High School Student na si Kurt Lancanan.

Nangyari ang inuman at pananaksak sa inuupahang kwarto ni Lauron noong Lunes.

Ayon sa imbestigasyon, nagkaroon ng pagtatalo sina Lauron at Lancanan na nauwi sa pananaksak.

Dinala sa ospital si Lauron, na nagtamo ng mga saksak sa dibdib, pero ideneklarang dead on arrival.

Agad naman umanong sumuko sa mga pulis ang suspek, na hindi pa nagbigay ng pahayag. —LBG, GMA News