Arestado ang isang call center agent sa Bacolod City, Negros Occidental matapos na magpakilala umano na isang dayuhan at nagbantang ipakakalat ang mga sensitibong litrato at video ng babaeng biktima na nakilala niya sa online dating app.
Sa ulat ni Adrian Prietos ng GMA Regional TV News nitong Huwebes, nahuli ang 27-anyos na suspek na si Dennis James Traza, residente ng Barangay Mansilingan.
Inaresto si Traza sa ikinasang entrapment operation matapos na magsumbong ang 19-anyos na biktima, na pinagbantaan niya na ipakakalat ang sexy at nude photos ng babae na nakilala niya sa isang dating app.
Ang hiningi umanong kapalit ng suspek sa biktima, makipag-sex eyeball sa kaniya.
Ayon sa biktima, nakumbinsi siya ng suspek na nagpakilalang dayuhan na magpadala ng kaniyang mga maselang larawan at video sa pangakong magbibigay ng P10,000.
Ngunit hindi raw nagbigay ng pera ang suspek, at nanakot na ipakakalat ang mga ipinadalang sensitibong larawan at video ng biktima kung hindi makikipagtalik sa kaniya.
Dito na humingi ng tulong sa pulisya ang biktima.
Samantala, patuloy pang inaalam ng mga awtoridad kung maliban sa cellphone ng suspek ay may iba pang gadget ito kung saan naka-save ang mga sensitibong litrato at video ng dalaga.
Inaalam din kung maliban sa dalaga ay mayroon pang ibang nabiktima ang call center agent.
Sinubukan ng GMA Regional TV One Western Visayas na kuhanan ng pahayag si Traza pero tumanggi itong sa isang panayam.
Sinampahan na siya ng kaso sa paglabag ng RA 995 o Anti-Photo and Video Voyeurism Act of 2009.--Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA News
