Lima ang patay habang tatlo pa ang pinaghahanap matapos ang malawakang pagbaha sa 42 na barangay sa Zamboanga City.

Ayon sa ulat ni Efren Mamac ng GMA Regional TV sa One Mindanao, 8,698 na pamilya o mahigit 42,000 na tao ang inilikas dahil sa pagbaha sa lungsod.

Tatlong barko ang dumausdos sa baybayin ng dalawang barangay dahil sa malalakas na alon.

Ilang bahay ang tinamaan ng isa sa mga barko. Wala namang naiulat na nasaktan sa pagdausdos ng mga barko.

Isinailalim na rin ang lungsod sa state of calamity. —NB, GMA News