Bangkay na nang matagpuan ang isang 9-anyos na batang babae sa isang masukal na lugar sa Sta. Maria, Davao Occidental. Ang biktima, ginahasa umano ng kaniyang tiyuhin bago pinatay. 

Sa ulat ni Rgil Relator ng GMA Regional TV One Mindanao nitong Miyerkoles, sinabing narekober ang katawan ng bata sa isang bangin sa Barangay San Agustin noong November 11.

Nauna nang napaulat na nawala ang biktima noong November 10 ng hapon, ayon pa sa ulat.

Ang mga kawani ng Municipal Disaster and Risk Reduction Management Office ang nag-rekober sa katawan ng bata dahil matarik ang lugar kung saan ito natagpuan.

Sa tulong ng mga saksi, agad na nakilala ng Sta. Maria Police ang suspek na si alyas “Berto.”

Nasa lugar pa raw umano ang suspek habang pinaghahanap ng kaanak ang nawawalang bata.

Sa isang manhunt operation, naaresto ng mga awtoridad ang suspek sa Don Marcelino, Davao Occidental.

Batay sa ulat, tiyuhin ng biktima at kapitbahay ng pamilya ang suspek.

Lumabas din sa postmortem examination na ginahasa ng suspek ang biktima bago ito pinatay.

Sinampahan na ng kasong rape with homicide ang suspek.

Sa isang pahayag, mariing itinanggi ng suspek na siya ang may gawa ng krimen.

Sa isang imbestigasyon, napag-alaman na nakulong na ang suspek sa kasong robbery with rape noong 2016 subalit nakalaya ito matapos ma-dismiss ang kaso. — Mel Matthew Doctor/VBL, GMA Integrated News