Nauwi sa rambulan ang pagkakainitan ng mga basketball player na nakigamit ng isang covered gymnasium sa Jaro, Iloilo City.

Sa ulat ng GMA Regional TV One Western Visayas, na iniulat din ni James Agustin sa Unang Balita nitong Miyerkoles, makikita ang habulan at suntukan ng ilang kalalakihan sa court sa Barangay MH Del Pilar.

Sinabi ni Barangay chairman Larry Palomo na nag-umpisa ang gulo nang suntukin ng isang player ang mga manlalaro sa katunggaling team.

Hindi mga residente ang mga nagrambulan, kundi mga basketball player ng isang club na nakigamit ng court ng barangay.

Matapos ang pangyayari, pinagbawalan na ang grupo na muling maglaro sa barangay. —Jamil Santos/LBG, GMA Integrated News