Anim ang patay, kabilang ang isang pulis at isang sibilyan sa nangyaring panghoholdap sa isang bakeshop sa Mlang, Cotabato.

Sa ulat ni  Sarah Hilomen Velasco sa GMA Regional TV News nitong Biyernes, sinabing nangyari ang madugong holdapan noong Miyerkules ng hapon sa Barangay Bagontapay.

Nakuhanan ng CCTV camera ng bakeshop ang ginawang panloloob ng armadong mga suspek sa establisimyento

Paalis na ang mga suspek nang barilin ng isa sa kanila ang kostumer na si Jack Gumilao, na nasawi.

Ayon kay Police Lieutenant Colonel Benito Rocha Jr. spokesperson ng Cotabato PPO, nasa 12 ang lahat ng mga suspek.

Nakita naman ng mga nagrorondang pulis ang tumatakas na mga suspek at nagkaroon ng engkuwentro.

Apat sa mga suspek ang napatay, habang nasawi rin ang pulis na si Staff Sergeant Rudy Amihan Jr.

Dalawang pulis pa ang sugatan at isang sibilyan.

Patuloy na tinutugis ang nakatakas na mga suspek.--FRJ, GMA News