Napapapahid ng luha ang isang 76-anyos na lola sa Bataan matapos maiyak sa tuwa nang matanggap ang regalong pinag-ipunan ng kaniyang mga apo at pamangkin. Ang regalo, natanggap niya kahit hindi siya ang nagdiriwang ng kaarawan.

Sa ulat ni Nico Waje sa “Unang Balita” nitong Lunes, sinabing hindi inakala ni Lola Juanita ng Samal, Bataan na makatatanggap siya ng maagang pamasko sa selebrasyon ng kaarawan ng kaniyang manugang.

Naiyak sa tuwa si Lola Juanita nang buksan ang supot na iniabot sa kaniya na naglalaman pala ng hearing aid na matagal na niyang inaasam.

Ayon sa isang kaanak, matagal nang mahina ang pandinig ni lola Juanita.

Sinabi raw ng doktor kay lola Juanita na hearing aid lang ang makatutulong sa kaniya para lumakas muli ang pandinig.

Pero dahil sa may kamahalan ang presyo, hindi raw ito kayang bilhin ni lola Juanita.

Kaya naman pinag-ipunan ng mga pamangkin at apo ang hearing aid na kanilang iniregalo kay ni lola Juanita. --Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA News