Patay ang isang magsasaka matapos siyang sakmalin ng alaga niyang baboy-ramo at maubusan umano ng dugo sa Dolores, Quezon.

Ayon sa ulat ng Quezon Police Provincial Office, kinilala ang biktima na si Ricardo Mendoza, 64-anyos at residente ng Brgy. Mangahan ng nasabing munisipyo.

Nangyari ang insidente nitong Martes, kung saan umalis ang biktima sa kanilang bahay ng 8 a.m. para pakainin ang alaga niyang baboy-ramo sa Purok Centro ng barangay, ngunit nabigo na itong makauwi.

Natagpuan ang biktima na wala nang buhay sa madamong lote bandang 6 p.m., kung saan din nakatali ang baby-ramo.

Lumabas sa post mortem examination na kinagat ang magsasaka ng baboy-ramo sa kaniyang kanang hita, at posibleng ikinamatay niya ang pagkawala ng maraming dugo. —LBG, GMA Integrated News