Nahuli-cam ang paglihis ng linya sa kalsada ng isang van at sinalpok ang kasalubong na motorsiklo na minamaneho ng isang menor de edad sa Padre Garcia, Batangas.

Sa ulat ni Paul Hernandez sa GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog nitong Huwebes, makikita sa kuha ng CCTV camera sa highway na bahagi ng Barangay Bawi nitong Miyerkules ng hapon, ang pagpasok ng van kabilang linya ng kalsada.

Sinakop ng van ang linya ng nakasalubong na motorsiklong minamaneho ng 16-anyos na biktima na si Prince Marasigan, at tiyuhin na angkas nito.

Nabangga ng van ang motorsiklo at tumilapon si Marasigan. Agad na nasawi ang biktima, habang sugatan ang kaniyang tiyuhin.

Ayon kay Police Major El Cid Villanueva, hepe ng Padre Garcia Police Station, single solid line ang naturang bahagi ng highway kaya hindi dapat nag-overtake ang van.

Lumitaw na galing sa fiesta ang driver ng van at pauwi na sa San Jose, Batangas nang nangyari ang insidente.

Posible umanong nakainom ang suspek na mabilis ang patakbo.

Samantala, parehong walang suot na helmet ang binatilyong rider at angkas niya.

Inihahanda na ang reklamong isasampa laban sa nakakulong na driver ng van.--FRJ, GMA Integrated News