Apat na magkakapatid na may edad na anim hanggang 14 ang pinatay sa saksak ng kanila umanong amain sa loob ng kanilang bahay sa Trece Martires, Cavite.

Sa ulat ni Luisito Santos sa Super Radio dzBB nitong Huwebes, sinabing nagpakamatay din ang suspek sa pamamagitan ng pagsaksak sa sarili.

Batay sa spot report na natanggap ng Cavite Provincial Police Office, nangyari ang malagim na krimen sa Barangay Cabuco.

Nakatanggap umano ng tawag ang pulisya mula sa barangay kaninang tanghali kaugnay sa insidente ng pananaksak.

Nang puntahan ng mga awtoridad ang bahay, nakakandado ito kaya kinailangan pang puwersahang buksan.

Nadatnan umano sa loob ng kuwarto ang magkakapatid na biktima-- tatlong babae at isang lalaki-- na wala nang buhay.

Naisugod pa umano sa ospital ang 38-anyos na suspek pero namatay din.

Ayon sa awtoridad, nag-iwan ng mensahe ang suspek sa pamamagitan ng pagsulat sa pader na gamit ang dugo.

Nagtatrabaho umano sa ibang bansa ang ina ng mga bata. Selos ang tinitingnan motibo ng pulisya sa krimen. --FRJ, GMA Integrated News