Inihayag ng ina ng apat na menor de edad na magkakapatid na pinaslang ng kanilang amain sa Cavite na nakausap pa niya sa cellphone ang suspek bago ginawa ang karumal-dumal na krimen. Ang pag-iyak at pagmamakaawa ng kaniyang mga anak, nadinig din umano niya.

Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing edad anim, walo, sampu at 14 ang magkakapatid na pinatay sa saksak ng suspek na kanilang amain na si Felimon Escalona, 38-anyos, sa loob ng kanilang bahay sa Barangay Cabuco sa Trece Martirez City.

READ: 4 na batang magkakapatid, patay sa pananaksak sa Cavite; suspek na kanilang amain, nasawi rin

Nasawi rin ang suspek matapos magsaksak sa sarili.

Ang ina ng mga bata na si Virginia Dela Pena, kasalukuyang nagtatrabaho sa Saudi Arabia.

Sa panayam sa telepono habang nasa KSA, sinabi ni Dela Pena na nakausap pa niya sa cellphone si Escalona bago gawin ang pagpatay sa kaniyang mga anak.

Labis daw na nagseselos at galit na galit sa kaniya si Escalona.

"Nanlalaki ang mata niya sa akin tapos pulang-pula yung mata niya," anang ginang.

"Sinabihan ko siya na, 'Kung lagi kang ganyan tinatanong ka lang lagi kang galit sa akin, akong mawawalan sa'yo ng pagmamahal.' Ginanun ko talaga siya. Ang sagot niya sa akin, 'Ah ganun, nawawalan ka na sa akin ng pagmamahal kasi may lalaki ka d'yan,'" kuwento pa ni Dela Pena.

"Sabi ko, "Anong may lalaki? Wala akong lalaki dito sa Saudi. Halos hindi ako nakakalabas, nakakalabas ako kapag kasama ko amo ko," patuloy niya.

Hindi raw nagtagal, inilapag ni Escalona ang cellphone at pumunta sa kuwarto kung saan naroroon ang kaniyang mga anak.

"Narinig ko na lang, 'Papa 'wag po, 'wag po," sabi ni Dela Pena.

Kaagad daw na tumawag sa barangay ang ginang para humingi ng saklolo.

Ayon sa pulisya, dakong tanghali nang makatanggap sila ng tawag mula sa barangay kaugnay ng umano'y insidente ng pananaksak.

Nang puntahan nila ang bahay, nakita nila na patay na sa loob ng kuwarto ang magkakapatid, habang may nakatarak na patalim sa dibdib ng suspek.

Isinugod pa sa ospital ang suspek pero binawian din ng buhay.

Sa pader ng kuwarto, may nakita nakasulat na gamit ang dugo na, "Pasensiya na mahal kita."-- FRJ, GMA Integrated News