Patay ang isang 39-anyos na jeepney driver matapos na barilin ng dalawang salarin na sakay ng motorsiklo sa San Pascual, Batangas. Nangyari ang krimen habang katabi ng biktima sa sasakyan ang 21-anyos niyang ka-live-in na buntis pa naman.

Sa ulat ni Deniece Abante sa GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog" nitong Lunes, kinilala ang biktima na si Raymond Ilao, ng Batangas City.

Sa imbestigasyon ng pulisya, sinabing Sabado ng tanghali nang igilid ni Ilao ang kaniyang sasakyan sa Barangay Poblacion, para magbaba ng pasahero.

Pero isang motorsiklo ang dumating na may sakay na dalawang lalaki at tumabi sa jeep at saka binaril ang biktima.

Nagtamo ng tama ng bala sa katawan si Ilao na dahilan ng kaniyang pagkamatay. Nakaligtas naman ang kaniyang buntis na live in partner na katabi ng biktima sa jeep.

Ayon sa pulisya, hidwaan sa kalsada ang tinitingnan nilang motibo sa krimen.

Bago umano ang pamamaril, may nakaalitan sa kalye ang biktima na kinasasangkutan ng isa ring pampasaherong jeepney.

Patuloy pang tinutugis ang mga salarin, bagaman narekober na ang motorsiklong ginamit nila sa krimen.--FRJ, GMA Integrated News