Nalunod ang dalawang batang magkapatid matapos mahulog sa ginagawang septic tank sa Talisay City, Cebu.

Sa ulat ni Jandi Esteban ng GMA Regional TV Davao sa Unang Balita nitong Martes, kinilala ang mga biktima na sina Mark Emman Llamedo, 6-anyos, at Nathaniel Llamedo, 7-anyos.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na naglalaro noon ang magkapatid kasama ang tatlo pa nilang batang pinsan sa Sitio Sayaw, Laray, Barangay San Roque bago mangyari ang trahediya.

Napuno umano ng putik ang magkapatid sa paglalaro kaya nagbanlaw sila sa naipong tubig-ulan sa hukay ng ginagawang septic tank.

Ayon pa sa pulisya, nakahawak ang magkapatid sa isang nakausling bakal habang naghuhugas. Pero biglang bumigay ang bakal at nahulog sa tubig ang magkapatid na may lalim na 10 talampakan.

Tinitingnan pa ng mga awtoridad kung may pananagutan ang gumagawa ng septic tank.

“Based sa statements ng mga bata, natanggal ang kanilang hinahawakan. Kaya nahulog ang dalawa. Hindi na nila nasagip,” sabi ni Police Lieutenant Colonel Randy Caballes, hepe ng Talisay City Police Station. --Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News