Patay ang isang rider habang sugatan ang kaniyang angkas na asawa nang bumangga sila sa kasalubong na pick-up truck matapos nilang iwasan ang isang taong tumatawid sa Ilocos Sur.

Sa ulat ni CJ Torrida, sa Morning with GMA Regional TV nitong Martes, makikita sa kuha ng CCTV camera ang pag-iwas ng rider sa taong tumatawid sa bahagi ng Barangay Parada sa Sto, Domingo, Ilocos Sur.

Dahil sa pag-iwas ng rider, napunta naman siya sa kaliwang linya ng kalsada at doon na niya nasalpok ang kasalubong na pick-up truck.

Sa lakas ng banggaan, tumilapon ang motorsiklo at nagulungan pa ang rider.

Sa imbestigasyon ng pulisya, napag-alaman na galing sa Bulacan ang rider at kaniyang asawa, at papunta sana sa Pagudpod, Ilocos Norte.

Nasawi ang rider habang nasugatan naman ang kaniyang asawa. Isang pedestrian din ang dinala sa ospital matapos madamay sa sakuna.

Ayon sa kaanak ng rider, naiuwi na sa Bulacan ang mga labi ng biktima at nagpapasalamat sila sa mga tumulong sa kanila.

Sinabi ng pulisya na nagkaroon ng pag-uusap ang mga sangkot sa naturang aksidente. --FRJ, GMA Integrated News