Kamuntik mauwi sa trahediya ang outing ng isang pamilya sa Negros Occidental matapos na itulak umano ng isang lalaki sa isang babae sa swimming pool, at nadamay ang isa pang babae at isang bata. Ang insidente, nahuli-cam.

Sa ulat ni Ashley Liza sa GMA Regional TV One Western Visayas nitong Martes, makikita sa gilid ng swimming pool sa isang resort sa Silay City ang dalawang babae at isang batang lalaki na dalawang-taong-gulang.

Maya-maya pa, dumaan sa tabi nila ang isang lalaki, at tinabig ang isang babae na nahulog sa pool.  Napahawak naman ang babae sa kaniyang kasamang babae na nahulog din sa pool, kasama ang batang lalaki.

Mabuti na lang at may mga tumulong sa tatlo upang maiahon sila mula sa swimming pool, lalo na ang bata.

Ayon sa namamahala sa resort, parahong guest nila ang mga nahulog sa pool at ang lalaki na nanulak.

Ipina-blotter na ng pamilya ng mga nahulog sa pool ang insidente sa Silay Police Station, at natukoy na umano ang pagkakakilanlan ng lalaking nanulak sa mga biktima sa tulong ng CCTV.

Gayunman, hindi pa tinukoy ng pulisya ang pangalan ng lalaki dahil wala pa umanong plano ang pamilya na magsampa ng pormal na reklamo.

Nitong Lunes, inihayag ng Philippine National Police (PNP) na umabot sa 72 katao ang naitala nilang nasawi sa mga insidente ng pagkalunod sa iba't ibang lugar nitong nagdaang Holy Week.--FRJ, GMA Integrated News