Nauwi sa saksakan ang away ng dalawang lalaki sa kalsada sa Cagayan de Oro City, ayon sa ulat ng Unang Balita mula sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Martes.

Kinilala ang biktima na si Anthony Brian Matudhay, 25-anyos, na namatay matapos umanong saksakin ng suspek na si Rupert Carl Francisco.

Nagkagitgitan daw sa kalsada si Matudhay at Francisco na naging dahilan ng kanilang pagtatalo.

Bagama't natigil ang kanilang away sa kalye, nagkasalubong daw ulit ang dalawa sa isang bar kung saan muli silang nagtalo hanggang sa mauwi na sa saksakan.

Ayon sa pulisya, parehong nakainom ang biktima at ang suspek.

Nasa kustodiya na ng mga pulis si Francisco, na nahaharap sa kasong homicide. —KBK, GMA Integrated News