Nasawi ang isang 67-anyos na overseas Filipino worker na kadarating lang sa bansa noong Agosto 23 matapos siyang mabundol ng motorsiklo sa Mangaldan, Pangasinan. Ang rider, aminadong nagmamadali.

Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Miyerkules, kinilala ang biktima na si Glen Salcedo, na nanggaling pa sa Amerika.

Ayon sa katiwala ng biktima na si Armando Garcia, tumatawid sila sa national highway sa Barangay Bantayan, nang mahagip si  Salcedo ng motorsiklo na mabilis ang takbo.

Humihingi naman ng patawad ang rider ng motorsiklo na si Joselito Santiago, na nasa kostudiya ngayon ng pulisya.

Paliwanag niya, galing siya sa trabaho at nagmamadali dahil uulan umano.

Kasama sana sa plano ng OFW sa pag-uwi sa Pilipinas na ipagdiwang dito ang kaniyang kaarawan sa Oktubre. -- FRJ, GMA Integrated News