Hindi na umabot nang buhay sa ospital ang isang 29-anyos na rider matapos na masalpok ng isang kotse ang minamaneho niyang motorsiklo sa Calasiao, Pangasinan.

Sa ulat ni Claire Lacanilao sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Biyernes, kinilala ang biktima na si Menard Maningding, residente sa nasabing bayan.

Ayon sa pulisya, nag-overtake sa isang sasakyan ang kotse at nasalpok nito ang motorsiklo ng biktima na nasa kabilang linya na nangyari sa Barangay Bued.

“Pagka-overtake niyang ganoon, nasalubong niya ‘yung motor kaya nabangga niya. Dinala sa ospital eh dead on arrival ang nagda-drive ng motor,” sabi Police Leiutenant Colonel James Patrick Calibuso, hepe ng Calasiao Police Station.

Ayon sa driver ng kotse, walang ilaw ang motorsiklo ng biktima.

“Medyo nagulat nalang kami nung bigla kasi bumulaga, kasi walang ilaw ‘yung motor niya,” sabi ng driver na nasa kustodiya ng pulisya.

Payo ni Calibuso sa mga motorista, "Dapat nasa tamang kondisyon tayo kapag nagda-drive para hindi tayo basta-basta nag-o-overtake… yun pala, may kasalubong ka na. Dapat ‘yung mind nila mag-focus lang sa pagda-drive." -- FRJ, GMA Integrated News