Kahit nakatumba na, hindi lang isa, kundi dalawang beses pang bumalik ang salarin para barilin muli ang kaniyang biktima sa Cebu City.

Sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Bisdak na mapapanood din sa GMA News Unang Balita nitong Biyernes, makikita sa kuha ng CCTV camera sa labas ng isang tindahan sa Barangay Calunasan ang biktimang si Paul Jacon Ebrada.

Ilang saglit lang, dumating ang suspek na may dalang baril na inihampas niya sa biktima. Kasunod nito, binaril na niya si Ebrada.

Nang bumagsak na biktima, naglakad na palayo ang salarin pero binalikan niya muli si Ebrada at binaril muli.

Muling umalis ang suspek pero bumalik na naman at pinaputukan pang muli ang biktima.

Ang mga residente sa lugar, walang nagawa.

Ayon sa mga awtoridad, sangkot umano sa ilegal na droga ang biktima.

Inaalam sa imbestigasyon kung may kaugnayan ito sa nangyaring krimen.

Patuloy naman hinahanap ang suspek na nasangkot din umano sa insidente ng pamamaril sa ibang lugar.-- FRJ, GMA Integrated News