Patay ang isang pulis at ang kaniyang anak na anim na taong gulang matapos na salpukin ng jeepney ang sinasakyan nilang tricycle sa San Jacinto, Pangasinan. Ang driver ng jeep, nakainom umano.

Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Biyernes, kinilala ang mga biktima na sina Police Master Sergeant Isidro Prestoza, at anak niyang si Inigo.

Nangyari ang trahediya nitong Huwebes ng gabi sa Barangay Lubong habang pauwi na ang mag-ama matapos magpakain ng mga alagang baka sa Barangay Labnoy.

Ayon sa pulisya, mabilis ang takbo ng jeepney na minamaneho ni Maximo Narag.

Tinangka raw nitong i-overtake ang tricycle na sinasakyan ng mag-amang Prestoza pero nabangga niya ang hulihan ng tricycle.

Sa lakas ng pagkakabangga, tumilapon palabas ng tricycle ang batang Prestoza, habang pumailalim naman sa jeepney ang ama.

Aminado umano si Narag na nakainom nang mangyari ang insidente, at humingi siya ng tawad sa pamilya ng mag-ama.

Mahaharap siya sa kaukulang kaso. --FRJ, GMA Integrated News