Arestado ang isang 22-anyos na lalaki sa Daet, Camarines Norte matapos umanong hingan ng pera at humirit pang makipagtalik muli sa kaniya ang dating kasintahan na 20-anyos para hindi nito ilabas sa publiko ang maselan at pribado nilang video.

Sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Bicolandia nitong Lunes, sinabing nauna nang inilatag ng mga awtoridad ang pagdakip sa suspek nang manghingi ng P2,000 mula sa biktima pero nakalusot ang suspek.

Pero muling binalikan ng suspek ang biktima at humirit pa na makipagtalik sa kaniya.

Dito na ikinasa ang panibagong operasyon sa isang hotel kung saan naaresto na ang suspek makaraang pumalag pa sa mga awtoridad.

Payo sa publiko ni Police Staff Sergeant Ada Yaba, "Kung maari lang, kung nagkakaroon ng mga intimate relationship with other babae man o lalaki, siguro po 'wag na nating i-video. Kung gusto man din na panoorin kung ano yung ginawa nila after, paki-delete na lang din po… siguraduhin nila na yung video kahit deleted na po, dun sa trash bin, wala rin." -- FRJ, GMA Integrated News