Gulpi ang inabot ng isang delivery rider mula sa anim na lalaki sa Zamboanga del Norte. Ang ugat umano ng pananakit, maling delivery.

Sa ulat ni Cyril Chaves ng GMA One Mindanao sa GMA News Saksi nitong Miyerkules, kinilala ang biktima na si Gejonar Villejo.

Sa video na kuha ng isang netizen, makikita na tinangka pa ng biktima na lumayo pero naharang siya hanggang sa pinagsusuntok at pinagsisipa na mga suspek sa Barangay Poblacion sa bayan ng Gutalac.

Ayon sa pulisya, nagalit ang isa sa mga suspek dahil mali ang natanggap niyang order na inihatid ng biktima.

"Ang ating biktima, siyempre nagpaliwanag na, 'Sir wala aking kinalaman diyan, nag-deliver lang ako. Not knowing ano 'yang order mo.' Siguro dahil sa galit kaya nagawa nila iyon [ pananakit sa biktima,] ayon kay Police Major Rene Borginia Sagan, acting chief ng Gutalac, MPS.

Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya na magkakamag-anak ang anim na suspek.

Nagtamo ng mga pasa sa katawan ang biktima at hindi pa nakabalik sa kaniyang trabaho.

Ayon kay Villejo, balak niyang magpalipat ng ibang lugar na paghahatiran niya ng produkto.

Sasampahan naman ng reklamong serious physical injuries ang mga suspek. --FRJ, GMA Integrated News