Apat na indibidwal ang ipinaulat na namatay ng dahil sa magkakaibang disgrasya sa daan sa Luzon.

Ayon sa ulat ni John Consulta sa 24 Oras Weekend nitong Linggo, isang pasyente ang namatay matapos madulas sa kalsada ang sinasakyan nitong ambulansya sa Sorsogon.

Dahil daw sa pag-ulan, nauwi sa disgrasya and ambulansya at umikot pa ito hanggang sa tumagilid.

Lima pang indibidwal ang nasugatan sa insidente.

Sa Goa, Camarines Sur, posible din daw na pag-ulan ang naging dahilan ng pagkahulog ng isang motorsiklo sa sapa.

Base sa ulat ng awtoridad, bumaba ang motorsiklo sa kurbadang bahagi ng kalsada at nahulog ito.

Patay ang angkas ng motorsiklo, habang sugatan naman ang nagmamaneho.

Sumalpok naman ang isang motorsiklo sa railing ng highway sa Del Gallo, Camarines Sur, kung saan sinabing dead-on-the-spot ang nagmamaneho na galing pa daw sa outing.

Maaari daw na masyadong mabilis ang pagpapatakbo ng motor, kung kaya’t nawalan ito ng kontrol. — Jiselle Anne C. Casucian/BM, GMA Integrated News